Naging epektibo ang ₱5,000 cash relief assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para magpatuloy sa pamamasada ang mga public utility vehicle (PUV) drivers, batay yan sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ang survey ay kinomisyon ng Social Protection, Inclusion, and Gender Equality (SPRING) program ng Australian government at isinagawa noong May 26 hanggang May 27 sa 1,200 rehistradong benepisyaryo ng cash relief assistance.
Ayon sa DSWD, lumalabas sa survey na 96.3% ng mga benepisyaryong PUV drivers ang nagsabing malaking tulong ang natanggap nilang ayuda para manatili sila sa hanapbuhay ng pagmamaneho.
Nasa 87.2% naman ng respondents ang nagsabing natutuwa sila sa tulong pinansyal na kanilang natanggap.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, makatutulong ang resulta ng survey para mas mapabuti pa ang mga programa para sa mga drayber na patuloy na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Una nang iniulat ng DSWD na aabot na sa higit 1.8 milyong PUV drivers ang nakatanggap ng ₱5,000 cash aid ng DSWD, na may kabuuang ₱9.11 bilyong naipamahaging pondo.