Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Gainza, Camarines Sur ang Benteng Bigas Meron Na! Program na layong magbigay ng abot-kayang bigas sa mga benepisyaryong nasa vulnerable sector.
Nanguna sa paglulunsad ng proyekto si Mayor Glenn Romeo Gontang, mga opisyal mula sa Municipal Agricultural Office, at ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Agriculture Region 5, National Food Authority, FTI at iba pang ahensyang nasa ilalim ng lokal na pamahalaan at ng DA.
Bilang hudyat sa pagsisimula ng BBM Rice Program sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo ay nagkaroon ng ceremonial turnover ng murang bigas sa sampung benepisyaryo. Nagkaroon rin ng registration gamit ang QR Code para magkaroon ng access sa abot-kayang bigas ang mga Persons with Disabilities, 4Ps beneficiaries, Solo Parents, Senior Citizens, mga tsuper ng jeepney, farmers at fisherfolks, at iba pang grupo na nasa vulnerable sectors.
Samantala, ipinatupad ng Gainza LGU ang “One Family, One Beneficiary Policy” upang mas maraming sektor at indibidwal na nasa vulnerable sector ang makinabang. Bukod sa murang bigas ay inilatag rin ang mga gulay at iba pang produktong agrikultural na maaaring bilhin ng mga benepisyaryo.
Sa huli ay nagpasalamat ang alkalde sa pamahalaang nasyonal, rehiyonal, munisipal, at probinsyal at sa mga pinuno ng mga ahensya sa matagumpay na paglulunsad ng programa.
📷 Glenn Romeo Gontang


