Kikilos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) alinsunod sa itinakdang proseso sa ilalim ng RA 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act kaugnay sa kaso ng dalawang menor de edad na sangkot sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, malinaw sa batas na ang mga batang edad 15 pero mas mababa sa 18 anyos ay maaaring managot kung mapapatunayang may discernment o nauunawaan nila ang kanilang ginawa.
Aniya, ang korte ang magpapasya nito.
Sinabi rin ng kalihim na maaaring ilagay ang mga batang sangkot sa Bahay Pag-asa o Rehabilitation Center for Youth para sa angkop na intervention at diversion program.
Kaugnay nito, nakatakda nang magsagawa ng case conference ang Regional Juvenile Justice and Welfare Committee, Tacloban City Social Welfare and Development Office, Public Attorney’s Office, at Regional Prosecutor’s Office para talakayin ang nararapat na hakbang para sa mga menor de edad na sangkot sa kaso.