Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga mamamahayag na nakatatanggap ng banta o pananakot na agad humingi ng tulong sa pulisya.
Ito ay kasabay ng imbestigasyon sa tangkang pamamaslang sa broadcaster na si Jay Lavapiez o “Papang Jay” sa Capiz.
Inatasan ni PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez, Jr. ang Police Regional Office 6 (PRO-6) at Capiz Police Provincial Office na tukuyin ang mga salarin at alamin ang motibo sa pag-atake.
Nakaligtas si Lavapiez, station manager ng Baskog Radyo, matapos pagbabarilin ng isang armadong lalaki ang kanyang Mitsubishi Adventure AUV habang papunta sa istasyon ng radyo bandang alas-5:40 ng umaga noong June 22 sa Barangay Cagay, Roxas City.
Apat na bala mula sa isang 9 mm na pistol ang tumama sa sasakyan ngunit hindi siya nasugatan.
Sa ngayon, Bumuo na ang PRO-6 ng special investigation team upang matukoy kung may kaugnayan sa trabaho o personal na kalagayan ni Lavapiez ang motibo sa pag-atake. | ulat ni Diane Lear