Pinaigting ng Eastern Police District (EPD) ang presensya nga mga pulis sa mga paaralan sa silangang bahagi ng Metro Manila upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani ng paaralan.
Sa direktiba ni EPD Acting District Director Police Brigadier General Melecio Buslig Jr., pinalakas ng ang police visibility sa mga paaralan sa Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan sa pamamagitan ng mas madalas na pagpapatrolya at paglalagay ng mga pulis sa mga pangunahing lugar.
Sa pamamagitan ng estratehikong deployment ng mga tauhan sa loob at paligid ng mga paaralan, layon ng EPD na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan, gayundin ang maagap na pagtugon sa anumang banta sa seguridad.
Ayon sa EPD, nakatuon ang hakbang na ito sa pagprotekta sa mga estudyante, guro, magulang at iba pang personnel ng paaralan, lalo na tuwing oras ng pagpasok at uwian.
Nasa 118 pribadong paaralan at 114 pampublikong paaralan ang nasa huridiksyon at binabantayan ng EPD.
Sinabi ni Buslig na patuloy silang nakatuon sa pagtiyak ng ligtas na kapaligiran upang matiyak ang maayos na pagkatuto at mapangalagaan ang sektor ng edukasyon.