Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30 araw ang operasyon ng walong unit ng Pangasinan Five Star Bus Incorporated kaugnay ng isang aksidente sa Santiago City, Isabela noong June 11.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, nasawi ang isang babaeng pedestrian habang dalawa pang pasahero ang nasugatan matapos mabangga ng bus.
Batay sa imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol ang driver kaya nabangga ang pedestrian at isang pickup vehicle sa kabilang linya ng kalsada.
Naglabas din ang LTFRB ng show cause order laban sa kumpanya upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang prangkisa nito.
Inatasan din ang kumpanya na ipa-drug test ang driver at ipa-inspeksyon ang walong bus na nasuspinde.
Nakatakda ang pagdinig sa kaso sa July 7.