Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang 10 indibidwal matapos mahuli sa aktong nagpa-PAIHI ng langis sa Navotas City.
Isinagawa ang operasyon katuwang ang iba’t ibang yunit ng Pulisya sa Brgy. Tanza dos sa nasabing lungsod kung saan, nakumpiska rin ang dalawang motorized na bangka na naglalaman ng humigit kumulang 80 drum ng diesel.
Ayon kay CIDG Director, Police Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, iligal na isinasalin ng mga naaresto ang lamang diesel mula sa mga motorized bangka patungo sa mga truck at bigo rin silang magpakita ng permit mula sa Department of Energy (DOE).

Bunga ito ng pinaigting nilang kampanya kontra sa iligal na kalakalan ng mga produktong petrolyo, alinsunod na rin sa atas ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Giit ni Morico, mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagsasagawa ng “PAIHI” o iligal na pagsasalin ng mga produktong petrolyo lalo’t umiiral pa rin ang State of National Energy Emergency bunsod ng kakapusan sa suplay nito.
Dahil dito, mahaharap ang mga naaresto sa paglabag sa Batas Pambansa 33 at Presidential Decree 1865 o ang iligal na pagbebenta ng mga produktong petrolyo.

