Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipinong nasaktan sa pagsabog ng Ras Laffan gas facility sa Qatar.
Ayon kay DFA Spokesperson Analyn Ratonel, kinumpirma mismo ng Embahada ng Pilipinas sa Qatar na walang Pilipinong nadamay sa insidente.
“According to Philippine Ambassador Mardomel Celo D. Melicor, there are no Filipinos involved in Ras Laffan incident in Qatar,” giit ni Ratonel.
Nabatid na naganap noong Linggo ang isang “operational incident” sa Ras Laffan, kung saan matatagpuan ang pangunahing liquefied natural gas processing operations ng bansa, na nagresulta sa pagsabog at sunog sa Barzan gas plant.
Sinabi ng kumpanya, na agad ding naapula ang apoy, bagama’t hindi pa malinaw kung may naging pinsala sa planta na nagsu-supply ng gas para sa domestic market.
Ayon naman sa Ministry of Interior ng Qatar, may ilang nasugatan sa insidente na inilarawan bilang “technical accident.” Giit din ng mga awtoridad na walang gas leak na nagdudulot ng banta sa kaligtasan ng publiko.