Nagpadala ng food assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng apektado ng matinding tagtuyot at kakulangan sa tubig sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, 184 na kahon ng Family Food Packs ang ipinamahagi sa mga residente ng apat na barangay sa apektadong bayan.
Batay sa ulat ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, umabot sa mahigit ₱315,000 ang halaga ng naipamahaging ayuda sa mga apektadong komunidad.
Makikipagpulong pa ang DSWD sa pamahalaang panlalawigan ng Oriental Mindoro upang alamin ang iba pang kinakailangang tulong para sa 13 barangay na nakararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Tiniyak ng ahensya ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa LGU upang masiguro ang agarang paghahatid ng ayuda sa mga apektadong pamilya.
Nagdeklara ng State of Calamity sa nasabing bayan dahil sa matinding tagtuyot na nararanasan sa lugar.