Ipinaliwanag ni House Prosecution Panel Legal Spokesperson, Atty. Benjamin Tolosa, ang kahalagahan nang pagsasagawa ng pre-trial conference.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service, binigyang diin ni Tolosa ang mahalagang gampanin ng pre-trial conference para sa paglilista ng mga isyu na tatalakayin, maging ang mga saksi na ipiprisinta ng magkabilang panig.
Sa pamamagitan din aniya ng pre-trial conference, nakikita na rito kung mayroong mga bagay na mapagkakasunduan na ang dalawang partido at hindi na ito kailangang pagtalunan pa sa korte – bagay na mas nagpapabilis sa aktuwal na paglilitis.
Aniya, kung ano lamang ang naiprisinta at napag-usapan sa pre-trial conference na mga isyu, iyon lamang ang pagtatalunan at na hindi na maaaring magpasok pa ng mga bagong ebidensya sa aktuwal na paglilitis sa korte.
Kapag natapos na ang pre-trial conference, dito na itinatakda ang mga magiging pagdinig sa korte at kung gaano ito katagal ay babase sa ilalabas na pre-trial order ng impeachment clerk.