Photo courtesy of UP Manila Museum of a History of Ideas
Ang UP Manila Museum of a History of Ideas (UPM-MHI) ay ang kauna-unahang museo sa loob ng kampus ng UP Manila na nakatuon sa pagtatampok ng mga kritikal na kaisipan, ambag, at modernisasyon ng bansang Pilipinas sa simula ng ika-20 siglo. Matatagpuan sa loob ng Philippine General Hospital (PGH) Compound sa Padre Faura, Ermita, ang museong ito ay isang pook-dayalogo na nag-uugnay sa kasaysayan ng pamantasan at sa pagsilang ng modernong pagkakakilanlang Pilipino.
Mula sa programang Iskultura, ibinahagi ni Mr. Justine Vince A. De Dios, Senior Office Assistant ng University of the Philippines Manila – Museum of the History of Ideas, ang konsepto ng museo na nabuo noong 2008—isang daang taon matapos itatag ang UP noong 1908. Ang orihinal na plano? Isang medical museum lang sana upang bigyang-pugay ang ambag ng unibersidad sa medisina sa ilalim ng pamumuno ni dating UP President Dr. Emerlinda Roman.
Sa loob ng museo, makikita mo ang mga artifact na tila may sariling bulong. Nariyan ang pocket watch ni President Bartlett na tila binibilang pa rin ang bawat segundong lumipas sa kasaysayan.

Isa sa mga pinakapiling detalye ay ang “brittle” o mabuway na kopya ng thesis ni Dr. Ariston Bautista tungkol sa liver abscess. Isang pirasong papel na napakatanda na at hindi na puwedeng hawakan nang basta-basta, pero naglalaman ng talinong nagligtas ng maraming buhay noon.

Binigyang-diin din ni Sir Justine ang anim na malalaking ideya na isinusulong ng museo: ang unibersidad, ang moderno, ang tropiko, ang Pilipino, ang sekular, at ang bansa. Ipinapakita nito na noong panahong “kritikal” ang paglipat ng Pilipinas mula sa kamay ng Espanya tungo sa Amerika, ang UP ay hindi lang naging paaralan—naging makina ito ng bagong kaisipan.

Kaya kung mapadpad ka sa Padre Faura, huwag mo lang itong daanan. Gaya ng paanyaya ni Sir Justine, ang museo ay hindi lang taguan ng mga antigo; ito ay isang espasyo para magmuni-muni. Sa halagang 25 hanggang 75 pesos, makikita mo na ang bawat ideyang ipinanganak dito—maliit man o malaki—ay siyang bumubuo sa kung sino ka ngayon.
Hindi ito libingan; ito ay buhay na patunay na ang ating kasaysayan ay hindi lang basta nakasulat, kundi patuloy na nararamdaman. Ang UPM-MHI ay hindi lang para sa mga taga-UP; bukas ito sa lahat ng gustong umunawa sa takbo ng isip nating mga Pilipino. Pinatutunayan nito na ang unibersidad ay hindi lang humuhubog ng mga eksperto, kundi pugad din ng mga makabayang kaisipang nagpapalaya sa lipunan.
Matatagpuan ang UP Manila Museum Building sa loob ng Philippine General Hospital Compound sa kahabaan ng Padre Faura Street, Ermita, Manila. Bukas ang museo mula Martes hanggang Biyernes, 8:00 AM hanggang 5:00 PM, subalit ito ay sarado tuwing Lunes, Sabado, at Linggo. Ang entrance fee para sa mga pangkalahatang bisita ay humigit-kumulang ₱75. Bagaman tumatanggap sila ng mga walk-in, lubos na inirerekomenda ang magpa-appointment muna sa pamamagitan ng pag-email sa upm-museum@up.edu.ph.