Nanawagan ngayon si Quezon City Councilor Alfred Vargas sa DepEd Schools Division Office ng QC na kabitan ng CCTV cameras ang lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod para mapalakas ang seguridad ng mga mag-aaral.
Ito kasunod na rin ng naganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City kung saan tatlong estudyante ang nasawi at 11 iba pa ang nasugatan.
Ayon kay Vargas, magsusulong siya ng pondo mula sa DepEd Schools Division Office of Quezon City para sa installation ng CCTV cameras bilang unang hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga bata sa loob at labas ng paaralan.
Aniya, kailangan ang mas malawak na hakbang para maprotektahan ang mga estudyante laban sa bullying, harassment, at iba pang uri ng karahasan.
Iminungkahi rin ng konsehal ang pagbuo ng komprehensibong plano kasama ang pamahalaang lungsod, DepEd, Philippine National Police, DSWD, mga magulang, guro, at iba pang sektor para palakasin ang school safety measures.
Bilang isang magulang, sinabi ni Vargas na nakababahala ang mga ganitong insidente at mahalaga ang papel ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak, kabilang ang pagtuturo ng respeto sa dignidad at kapwa.
