Hindi isinasantabi ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na mayroong grupo ang naka-impluwensiya o nag-udyok sa mga suspect na sangkot sa pamamaril sa Tacloban City.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni PNP Spokesperson Col. Allen. Rae Co na kabilang sa kasalukuyang imbestigasyon ay ang paga-aral sa impormasyong mayroong kaugnayan sa mga grupong maaaring kinabibilangan ng isa sa dalawang suspect.
Aniya, kinakitaan umano ng mga paunang indikasyon na posibleng mayroong ibang grupo na nagtulak sa suspect na isakatuparan ang pamamaril.
Gayunman, sinabi ng PNP na patuloy pa ang pagsusuri ng mga ebidensiya at maglalabas sila ng kumpletong detalye sa oras na matapos na ang imbestigasyon.
Ayon sa opisyal, sinu-suri rin ng kanilang hanay ang iba pang grupo o online community na maaaring naka-impluwensiya sa suspect.
“We can only say na doon po sa initial investigation natin, lalo na po itong si CICL Alias Nash ay heavily influenced po ng online content. Mayroon po kaming nakita na ano niya, aside from his own posts na mga violent videos, mayroon pa pong tinitingnan tayo na iba pa pong grupo or mga kinakasalihan niya kung saan puwedeng nag-udyok sa kaniya para gawin po ito.” -Co.
Iniimbestigahan din aniya ng PNP ang posibleng kahalagahan ng KMFDM t-shirt na suot ng isa sa mga suspect, matapos itong mai-ugnay sa ilang insidente ng pamamaril sa Estados Unidos. “Nakita rin po natin iyan, kasama po ito sa ina-analyze ng ating mga imbestigador.
At kagaya nga po nang sinabi ko kanina, we saw some indications na mayroon pong ibang grupo na puwedeng nag-udyok o nagtulak na kinakasalihan niya para po gawin niya itong bagay na ito. We will provide you with all the details po upon completing po iyong ating investigation.” -Co