Makikipagtulungan ang Philippine National Police (PNP) sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang makabuo ng mga hakbang na magpoprotekta sa mga kabataan laban sa mararahas na online games at iba pang mapanganib na digital content.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., pangungunahan ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan, sektor ng akademya, at mga advocacy group upang mapag-aralan ang pinakamabisang paraan sa pagtugon sa isyu.
Kasunod ito ng pagsusuri ng pulisya na posibleng naimpluwensyahan ng open-world gaming platform na GoreBox ang isa sa mga menor de edad na suspek sa insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Sinabi ni Nartatez na susuriin din ng PNP ang mga pag-aaral at pananaliksik hinggil sa epekto ng pagkakalantad ng mga menor de edad sa online violence sa kanilang pag-uugali sa paaralan at komunidad.
Matatandaang tatlong menor de edad ang nasawi at 20 ang nasugatan sa insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.