Kinumpirma ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na naisumite na sa piskalya ang mga kasong kriminal laban sa 15 taong gulang na suspek na si alyas “Rod,” isa sa mga menor de edad na sangkot sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon sa PNP, nahaharap si alyas Rod sa tatlong bilang ng murder at tatlong bilang ng frustrated murder, gayundin ang multiple counts ng serious physical injuries.
Sinabi ni Nartatez na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon, kabilang sa mga sinusuri ang mga testimonya ng mga saksi at kaibigan ng mga suspek, gayundin sa kanilang social media accounts at mga cellular phone na sasailalim sa forensic examination.
Samantala, nananatili sa kustodiya ng DSWD Regional Rehabilitation Center for Youth ang dalawang children in conflict with the law (CICL) na sangkot sa malagim na trahedya. | ulat ni Diane Lear