Plano ng Quezon City Government na bumuo ng isang malinaw na safety protocol para magabayan ang mga guro at estudyante kung ano ang dapat gawin sakaling magkaroon ng emergency o anumang insidente sa loob ng paaralan.
Tinalakay ito sa isinagawang pulong ng QC LGU kasama ang Quezon City Police District o QCPD at Schools Division Office kasunod ng mga nakakaalarmang insidente ng karahasan sa ilang paaralan.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, mahalagang maging handa ang lahat dahil sa mga nakaraang insidente, kapansin pansin na hindi alam ng mga estudyante ang tamang gagawin dahil sa takot o pagkagulat.
Kabilang sa planong hakbang ang pagsasagawa ng drills at simulations para sa iba’t ibang sitwasyon gaya ng bomb threat, pamamaril, riot, at iba pang emergency scenarios.
Ayon sa alkalde, nag-commit ang QCPD na bumuo ng modules para magsilbing gabay sa pagsasagawa ng safety drills sa mga paaralan.
Kaugnay nito, itinutulak din ni Mayor Belmonte ang pagpapalakas ng values formation sa mga estudyante sa pamamagitan ng Boy Scouts at Girl Scouts, kung saan inaasahang magkakaroon ng safety officers sa bawat classroom na tutulong sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan.