Mariing pinabulaanan ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon ang pahayag ng defense team na tuwing umaga lamang sumisipot at nakikibahagi ang mga prosekutor ng Kamara sa pre-trial conference (PTC) para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam sa Senado, mariing nilinaw ni Ridon na simula pa lamang ng unang araw ng PTC ay personal siyang nakatutok at nag-aabang sa Senado hanggang sa matapos ang gabi-gabing proseso.
Ang pahayag na ito ni Ridon ay direktang tugon sa naging paratang ng abogado ni VP Sara na si Atty. Mark Vinluan.
Kasabay nito, binigyang-linaw din ng abogadong mambabatas na ang pangamba na posibleng hindi matapos sa takdang araw ang pre-marking ng mga ebidensya ay hindi dahil sa kakulangan sa tao o manpower ng prosekusyon.
Paliwanag ni Ridon, ang tunay na hamon ay ang “voluminous” o ang bulto ng mga dokumentong isinumite na kailangang isa-isang suriin, markahan, at pirmahan ng magkabilang panig.
Gayunpaman, nananatiling optimistiko si Ridon na matatapos sa itinakdang panahon ang pagmamarka sa kabila ng trabahong kinakaharap ng legal teams.
Una nang inihayag ni Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na pormal silang maghahain ng manifestation sa Senate Impeachment Court at hihilingin ng kanilang kampo na palawigin o i-extend hanggang sa araw ng Sabado upang tapusin ang PTC upang plantsado ang lahat bago ang pormal na paglilitis sa Hulyo 6.