Photo courtesy of DOLE Region 1
Nag-deploy ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Education (DepEd) ng 350 benepisyaryo ng Government Internship Program (GIP) bilang mga tutor at tutor aides sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program sa Rehiyon I.
Layunin ng programang ipinatutupad mula March hanggang October 2026 na matugunan ang learning gaps sa Reading, Mathematics, at Science habang nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga unemployed at underemployed na education graduates.
Saklaw nito ang mga Schools Division Office sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan. Kabilang sa mga tungkulin ng mga tutor ang pagsasagawa ng tutorial sessions, paghahanda ng learning materials, pagsubaybay sa progreso ng mga mag-aaral, at pagtulong sa mga guro sa learning recovery interventions.
Ayon kay DOLE Regional Director Honorina Dian-Baga, ipinakikita ng programa ang pagsisikap ng pamahalaan na sabay na isulong ang oportunidad sa trabaho para sa kabataan at ang pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon.
Sa kabuuang bilang ng interns, 79 ang nakatalaga sa Ilocos Norte, 58 sa Ilocos Sur, 56 sa La Union, 66 sa Western Pangasinan, 41 sa Eastern Pangasinan, at 50 sa Central Pangasinan.