Kauna-unahang Veterans’ Ward sa buong lambak-Cagayan, binuksan sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) bilang pagpapasalamat at pagpupugay sa kabayanihan ng mga war veteran sa rehiyon.
Kung noon ay nagtutungo pa sa Metro Manila, partikular sa Veterans Memorial Medical Center, ngayon sa lungsod ng Tuguegarao na magpapagamot ang mga beterano, maging ang kanilang pamilya na libreng matatamasa sa 16-bed facility sa CVMC.
Sa kaniyang mensahe bilang keynote speaker, inihayag ni Health Undersecretary Dr. Glenn Mathew Baggao na maliit man kung maituturing kumpara sa naging sakripisyo ng mga beterano, ang pasilidad na ito ay taos-pusong pagpapakita ng pasasalamat ng isang bansang hindi nakakalimot sa mga tunay nitong bayani.
Umaasa pa siyang maging lugar ito ng paggaling, kaginhawaan, at dignidad ng mga war veteran, sapagkat ito aniya ang nararapat para sa mga taong minsang nag-alay ng kanilang lakas, panahon, at buhay para sa kalayaan ng bansa tungo sa isang Bagong Pilipinas.
Ayon naman kay Philippine Veterans Affairs Office Administrator Undersecretary Reynaldo Mapagu, ang ward ay ipinangalan kay 2Lt. Emilio Gumabay, isang sundalong Cagayano na kasama sa mga nakipaglaban para sa kalayaan kasunod ng pagsisimula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Samantala, naging bisita sa seremonya ang mga beterano mula sa Veterans Federation of the Philippines 3rd District of Cagayan Chapter, sa pamumuno ni Ret. Col. Rodolfo Brillantes, na naghayag ng lubos na pasasalamat sa walang tigil na pagtugon ng pamahalaan sa pangangailangan ng mga itinuturing na buhay na bayani ng bansa.