Tumanggi ang Germany-based developer ng video game na Gorebox na dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality sa July 1 kaugnay ng imbestigasyon sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, chairperson ng komite, hihingi siya ng tulong sa German Embassy sa Pilipinas para mapadali ang paglahok ng developer na si Felix Filip sa pagdinig.
Pinahayag ni Hontiveros ang pagkadismaya sa naging desisyon ni Filip na huwag dumalo dahil marami sana siyang nais itanong dito.
Gayunman, sinabi ng senadora na bukas pa rin ang komite kung magbabago ito ng isip at dadalo sa imbestigasyon.
Sa email na ipinadala sa Committee Secretariat, sinabi ni Filip, na nagpakilalang isang Germany-based independent game developer, na hindi siya dadalo sa pagdinig, maging personal man o sa pamamagitan ng Zoom.
Inaasahan sana ni Hontiveros na matatanong si Filip tungkol sa mga safety guardrails ng Gorebox, kabilang ang age safeguards, content moderation, at posibleng pagkakalantad ng mga kabataan sa mapanganib na online communities o pag-uugali.
Binigyang-diin din ng senador na ang isyu ay hindi lamang tungkol sa isang developer o isang laro, kundi sa pagtatakda ng malinaw na pamantayan.
Aniya, hindi dapat makapag-operate sa Pilipinas ang mga foreign-based developers at online platforms habang umiiwas sa pananagutan sa usapin ng kaligtasan ng mga bata.
Nilinaw ni Hontiveros na hindi nila sinasabing isang laro lamang ang dahilan ng trahedya, pero kung may online environment na maaaring naging bahagi ng pagkakalantad ng mga bata sa karahasan, tungkulin aniya ng Senado na siyasatin ito.