Photo courtesy of Presidential Communications Office
Hindi na tulad ng dati ang pangamba ng mga residente ng Barangay Tatalon sa Quezon City tuwing bumubuhos ang ulan ngayong napapakinabangan na nila ang pinalawak na drainage system sa G. Araneta Avenue.
Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa bagong ayos na proyekto, personal siyang pinasalamatan ng mga residente dahil sa malaking ginhawang naidulot nito sa kanilang lugar.
Isa sa kanila si Tatay Virgilio Tobias na nagsabing nakasanayan na nila noon ang mag-evacuate dahil kahit konting ulan ay mabilis na bumababa sa kanilang lugar.
Pero nagbago na raw ang sitwasyon matapos ang proyekto ng DPWH dahil mas mabilis nang humuhupa ang baha.
Ganito rin ang sinabi ng negosyanteng si Neddie De Villa na hindi na umaabot sa gutter ang baha ngayon, kumpara noon na umaabot pa umano sa lampas-tao ang taas ng tubig.
Para kay Nanay Neddie, malaking tulong sa mga residente ang pagsasaayos ng drainage system dahil nabawasan na ang kanilang pangamba tuwing malakas ang ulan.
Matatandaang iniutos ni Pangulong Marcos sa DPWH ang pagpapabilis ng mga flood mitigation projects, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan, para matugunan ang matagal nang problema ng mga lugar na madalas bahain sa Metro Manila.