Inilunsad ng Department of Budget and Management (DBM) ang midterm update ng Public Financial Management Roadmap 2024-2028 upang mapabilis ang repormang piskal ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at mapalakas ang transparency, accountability at episyenteng paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, Chairman ng Public Financial Management Committee, layunin ng binagong roadmap na paghusayin ang pagpaplano, pagpapalabas, pagsubaybay, at paggamit ng budget upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyo publiko.
Sinabi naman ni Executive Secretary Ralph Recto, sa mensaheng inihatid ni Senior Deputy Executive Secretary Atty. Maria Luwalhati Dorotan-Tiuseco, na mahalaga ang reporma upang matiyak ang mabilis at epektibong pagtugon ng pamahalaan lalo na sa panahon ng mga kalamidad.
Binawasan sa 18 mula sa 41 ang mga prayoridad na reporma sa roadmap upang mapabilis ang implementasyon, habang ipagpapatuloy ang natitirang mga hakbang batay sa kahandaan ng mga ahensya at pagkakaroon ng sapat na pondo.