Photo courtesy of Philippine National Police
Inatasan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng Regional at Local Police units nito na ibigay ang buong suporta sa mga hakbangin ng Department of Education (DepEd).
Ito’y makaraang ilunsad ni Education Secretary Sonny Angara ang mga pinaigting na hakbang para tiyakin ang seguridad, kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante, guro gayundin ng mga kawani ng eskwelahan.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., paiigtingin nila ang seguridad sa paligid ng mga paaralan at titiyakin ang ligtas na kapaligiran sa pagkatuto ng bawat mag-aaral alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bukod sa pinaigting na presensya ng pulisya sa mga paaralan, nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga opisyal ng DepEd at mga lokal na pamahalaan sa paglalatag ng mga hakbang upang mailayo ang mga eskwelahan sa ano mang banta.
Magugunitang naglunsad ang DepEd ng isang nationwide, multi-agency effort para higit pang paigtingin ang kaligtasan sa mga paaralan kasunod ng pamamaril sa Tacloban City.