Photo courtesy of DPWH Bicol
Puspusan ang isinasagawang emergency dredging operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bicol sa ilang lugar sa Albay bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na typhoon season.
Ayon kay DPWH Bicol Spokesperson Justine Dayandante, habang nakatuon ang Oplan Kontra Baha ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Naga City, Camarines Sur, tuloy-tuloy rin ang paglilinis at pagpapalalim ng mga ilog at daluyan ng tubig sa iba pang lugar sa rehiyon upang mabawasan ang panganib ng pagbaha.
Sinabi ni Dayandante na natapos na ang emergency dredging sa mga bayan ng Camalig, Bacacay, Oas, Daraga, Libon, at sa Lungsod ng Legazpi.
Aniya, isinasagawa ang naturang operasyon kapag may kahilingan mula sa isang local government unit (LGU) at may nakalaang heavy equipment ang ahensya para sa agarang deployment.
Kaugnay nito, sinabi ng DPWH Bicol na naka posisyon na ang mahigit 140 heavy equipment sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon bilang paghahanda sa ano mang emergency operations.
Maaari pa itong madagdagan sa humigit-kumulang 200 kagamitan kapag may inaasahang bagyo, upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng pagbaha at iba pang kalamidad.