Iprinisenta na ng Quezon City Police District (QCPD) kay QC Mayor Joy Belmonte ang panukalang Student Safety Guide on Immediate Action Drill (IAD) para sa mas pinaigting na seguridad sa mga paaralan.
Pinangunahan nina QCPD District Director Police Brig. Gen. Randy Glenn Silvio at Police Col. Vicente Bumalay Jr., Chief ng District Operations Division ang pagpapakita ng proposed guidelines sa Quezon City Hall.
Layon nitong ilatag ang malinaw na safety protocols at response procedures para sa mga emergency sa paaralan tulad ng active shooter incident, pananaksak, student riot, at bomb threat.
Binuo ang panukala matapos ang workshop na isinagawa sa Camp Karingal kasama ang QCPD Command Group, District Staff at iba pang Police personnel.
Ayon sa QCPD, bahagi ito ng pagpapalakas ng koordinasyon kasama ang Quezon City government para matiyak ang mas ligtas at protektadong kapaligiran para sa mga estudyante, guro, at school personnel.

