Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pag-igitingin ang mga programa sa kalusugang mental, opisyal nang nagkasundo ang Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) upang ilunsad ang isang malawakang scholarship program na naglalayong tugunan ang kakulangan sa mga guidance counselor sa bansa.
Ginamit ng dalawang ahensya ang “whole-of-government approach” o ang pagkakaisa ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa iisang layunin. Pormal nang nilagdaan nina CHED Chairperson Shirley C. Agrupis at DepEd Undersecretary Wilfredo Cabral (na kinatawan ni Kalihim Sonny Angara) ang isang Joint Memorandum Circular (JMC).
Dito ay pormal nilang itinatag ang programang LINGAP o ang Learning Initiatives for Nurturing Guidance Associates and Counselors Program.
Sa pamamagitan ng LINGAP, bibigyan ng pamahalaan ng scholarship at pagkakataon ang mga tauhan sa sektor ng edukasyon na kumuha ng mas mataas na antas ng pag-aaral (advanced studies) sa larangan ng Guidance and Counseling at Psychology.
Ayon kay CHED Chairperson Agrupis, ang hakbang na ito ay pamumuhunan sa mga propesyonal na siyang nagsisilbing unang takbuhan ng mga mag-aaral.
“Ang kapakanan ng ating mga mag-aaral ay napakahalaga sa kanilang tagumpay sa akademya at personal na pag-unlad. Sa pamamagitan ng LINGAP, namumuhunan tayo sa mga propesyonal na nagsisilbing unang linya ng suporta para sa mga estudyanteng humaharap sa mga hamong akademiko, panlipunan, emosyonal, at kalusugang mental,” ani Agrupis.
Sa tulong ng pagtutulungang ito ng CHED at DepEd, inaasahang mapupunan ang malaking kakulangan sa mga kwalipikadong guidance professionals sa mga paaralan. Layunin din nitong itaguyod ang isang kultura ng pagmamalasakit, inklusyon, at pangkalahatang kalusugang mental para sa holistic development o buong paglago ng mga kabataang Pilipino.