Magpapatawag ng coordination meeting ang Bureau of Customs (BOC) kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at environmental groups kasunod ng panawagan sa agarang pag-aksyon sa umano’y ilegal na pagpasok ng hazardous electronic waste o e-waste mula sa Estados Unidos patungong Subic Bay Freeport.
Nag-ugat ang nasabing pagpapatawag ng pulong matapos ilunsad ng Environmental Task Force Against Illegal E-Waste Imports to the Philippines o END E-WASTE IMPORTS ang mga ebidensya, kabilang ang mga larawan ng umano’y e-waste na nakatambak sa ilang pasilidad sa Subic. Ayon sa Basel Action Network (BAN), mula pa noong Marso 2025 ay nakapagpadala na sila ng 14 na alerts sa BOC at DENR kaugnay ng mahigit 230 container ng hinihinalang e-waste.
Bilang tugon, sinabi ng BOC na layunin ng pulong na mapag-isa ang lahat ng concerned agencies at stakeholders upang malinawan ang isyu, matukoy ang kani-kanilang responsibilidad, at matiyak na ang lahat ng hakbang ay naaayon sa batas habang nagpapatuloy ang pagdinig ng kaso sa korte.
Patuloy naman ang normal na operasyon sa Port of Subic habang ipinagpapatuloy ng BOC ang pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang matugunan ang usapin kasabay ng panawagan ng environmental groups na paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas laban sa ilegal na pag-aangkat ng hazardous waste.