Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na inaasahang magpapatuloy ang external sector challenges ng bansa hanggang 2027, bunsod ng mataas na presyo ng langis, tensyon sa Gitnang Silangan, at mabagal na paglago ng pandaigdigang ekonomiya.
Ayon sa BSP, lumaki ang balance of payments o BOP deficit ng bansa sa unang quarter ng 2026 dahil sa pagtaas ng gastos sa pag-angkat ng langis at iba pang mahahalagang produkto, kasabay ng paghina ng foreign investments. Naging mas mahina rin ang piso dahil sa tumataas na import costs at global uncertainty.
Sa kabila nito, nananatiling matatag ang external buffers ng bansa. Sa ulat ng BSP, umabot sa USD 106.6 bilyon ang gross international reserves ng Pilipinas noong katapusan ng Marso, sapat upang tustusan ang halos pitong buwan ng pag-aangkat at magsilbing panangga laban sa external shocks.
Sa kabuuan, inaasahan ng BSP na magpapatuloy ang mga hamon sa ekonomiya ngayong taon at sa 2027. Gayunman, may inaasahang unti-unting pagbuti sa susunod na taon habang bumabawi ang pandaigdigang ekonomiya at dahan-dahang lumalakas ang pagpasok ng pamumuhunan.