Planong mas palawigin pa ang irigasyon at posibleng imprastraktura ng mga dam sa bansa na suportado ng Asian Development Bank (ADB) at Israeli Government.
Ayon kay National Irrigation Administration (NIA) Administrator Engineer Eddie Guillen, nakahandang tumulong ang ADB sa bansa at maglalaan ng pondo na aabot ng halagang isang bilyong dolyar upang mas maisaayos pa ang mga irigasyon at mga dam sa bansa.
Samantala, ang Israeli Government naman ay nais magbigay ng tulong pagdating sa Artificial Intelligence (AI) technology naman para sa naturang proyekto.
Paliwanag pa ng opisyal na napabilib ng ahensya ang mga Israeli at ADB official dahil sa maayos na sistema ng pagpaplano, koordinasyon, operasyon at pagmimintena ng mga pasilidad lalo na ang partisipasyon ng Irrigators Associations (IA).
Dagdag pa ng opisyal na nakahanda silang tumulong sa IA upang mag-asikaso ng mga dokumento sa Securites and Exchange Commission (SEC); pagtuturo ng mga kaalaman sa paggamit ng pasilidad gayundin ang pagbibigay ng insentibo upang masiguro ang irigasyon sa lahat ng kanilang nasasakupan.
Sinabi pa ng eksperto na maraming mga dam ang kailangang sumailalim sa rehabilitasyon dahil sa kalumaan at napabayaan dulot nang matagal na panahon ngunit tiniyak niya na matibay ang pagkagawa ng mga dam sa bansa.
Ipinagmalaki ni Guillen na dinoble pa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pondo ng ahensya na inilaan para sa mga proyektong pang-imprastraktura. | via Christopher Tirambulo