Pormal na hiniling ng “Power Bloc” ng Kamara sa Energy Regulatory Commission (ERC) na palawakin ang emergency payment framework nito.
Ito ay upang maiwasan ang matinding krisis sa pananalapi na maaaring magpabagsak sa mga Electric Cooperative (EC) sa bansa.
Sa liham na ipinadala kay ERC Chairperson Atty. Francis Saturnino C. Juan, hinimok nina PhilRECA Party-List Rep. Presley C. De Jesus at APEC Party-List Rep. Sergio C. Dagooc ang komisyon na magpalabas agad ng karagdagang guidelines sa ilalim ng Executive Order No. 110.
Nais ng mga mambabatas na sakupin nito ang lahat ng obligasyon sa generation supply at lahat ng uri ng consumer, sa halip na limitahan lang sa mga residential consumers na gumagamit ng mas mababa sa 200 kWh.
Ipinunto ng mga lawmakers na habang inuutusan ang mga kooperatiba na tanggapin ang hulugang bayad mula sa mga konsumer para magbigay-ginhawa, pilit naman silang pinagbabayad ng mga dambuhalang power supplier ng buong buwanang singil nang walang extension o palugit.
Upang maiwasan ang paralisasyon sa operasyon ng kuryente sa mga lalawigan, hiniling nina De Jesus at Dagooc sa ERC na payagan din ang mga Electric Cooperative na magbayad sa mga power sector suppliers—gaya ng mga Generation Companies, PSALM, NPC, TRANSCO, at NGCP—sa pamamagitan din ng hulugan o staggered basis.
Binigyang-diin ng Power Bloc na ang hakbang na ito ay kritikal upang manatiling buhay ang mga kooperatiba at patuloy na makapaghatid ng kuryente sa milyun-milyong Member-Consumer-Owners.
