Kinukunsidera ng TINGOG Party-list ang paghahain ng isang resolusyon para sa isang ‘congressional inquiry’ hinggil sa malagim na pamamaril sa San Jose National High School kamakailan.
Sinabi ni Rep. Andrew Julian Romualdez na hindi sapat na makamit lamang ang hustisya para sa mga biktima; kinakailangan din aniyang masuri nang malalim ang mga umiiral na sistema na layong protektahan ang mga kabataan.
Base sa mga huling ulat, tatlong mag-aaral ang nasawi habang 20 iba pa ang sugatan sa nasabing insidente.
Ang ilan sa mga biktima ay kasalukuyan pa ring ginagamot sa iba’t ibang ospital sa lungsod.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi na maaaring ikonsidera bilang isang “isolated case” o hiwalay na insidente ang nangyari.
Ayon sa kaniya, senyales ito ng mas malalim na pagkukulang sa gabay na natatanggap ng mga bata sa tahanan, paaralan, at maging sa internet.
Layon ng imbestigasyon na busisiin ang pagpapatupad ng juvenile justice and welfare system mga security protocol at kaligtasan sa loob ng mga kampus; serbisyo para sa mental health at counseling ng mga mag-aaral; at koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, magulang, barangay, kapulisan, at mga ahensya ng pamahalaan.
