PCG
Kinilala ng Office of Civil Defense (OCD) Region XII ang Philippine Coast Guard Aviation Command dahil sa mabilis at epektibong pagtugon nito sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Kabilang sa mga naging mahalagang misyon ng PCG ang pagbibigay ng airlift support para sa deployment ng mga quick response team ng Mines and Geosciences Bureau sa Sarangani at Tboli, South Cotabato.
Nagsagawa rin ito ng medical evacuation sa Glan, Sarangani at naghatid ng humanitarian assistance sa mga liblib at mahihirap marating na barangay upang agad na matulungan ang mga naapektuhang residente.
Nagpasalamat ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council XII at OCD Region XII sa dedikasyon at mabilis na pagkilos ng PCG.
Ayon sa ahensya, ang maagap na serbisyo ng PCG ay nagbigay ng pag-asa at katiyakan sa mga pamilyang higit na nangangailangan sa gitna ng sakuna.