Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestream
Trigger warning: School-based violence
Ibinahagi ng isang registered psychologist at guidance counselor sa panayam sa himpilang Radyo Pilipinas World Service ang mga posibleng dahilan kung bakit nangyari ang school shooting sa San Jose National High School sa Tacloban City nitong Hunyo 22.
Sa programang “Warm Heart”, sinabi ni sikologong si Jose “Joey” Alejo ng In Touch Community Services na isa sa mga dapat tingnan ay ang kapaligiran na kinalakihan ng mga sangkot na ‘child in conflict with the law’ o ‘CICL’, partikular na ang mga nangyayari sa kanilang tahanan.
Ani Alejo, kasama na rito ang palitan ng respeto sa pagitan ng anak at kanyang mga magulang at kung paano naituturo sa mga bata ang paggawa ng kabutihan sa kanilang kapwa.
Dagdag ng eksperto, dapat ding tingnan ang kapaligiran ng mga CICL sa kanilang paaralan, kung saan tungkulin ng mga guro na hubugin pa ang kaisipan ng kanilang mga estudyante upang sila ay maging kapaki-pakinabang na mamamayan.
Isa rin sa tintingnan, ani Alejo, ay ang exposure ng bata sa social media at iba pang online platforms dahil masasabi pa ring malakas ang impluwensya nito sa mga kabataan.
Matatandaan na isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit nagawa ng isa sa mga ngayo’y CICL ang pamamaril sa San Jose National High School ay ang exposure sa GoreBox, isang German indie sandbox game.
Ayon pa kay Alejo, maging sa iba pang uri ng media gaya ng telebisyon at pelikula, masasabing masyado na ring “graphic” ang naipapakitang uri ng karahasan na kalaunan ay natatanim na rin sa isipan ng mga bata.
Sinabi rin ng sikologo na kailangang isaalang-alang dito na mahina pa ang desisyon-making ng mga bata dahil nagde-develop pa ang ilang parte ng kanilang utak.