Inilabas ng U.S. Embassy in Manila ang isang demonstration alert upang balaan ang mga mamamayan nitong nasa Pilipinas kaugnay ng isinasagawang White Ribbon March ngayong araw, Hunyo 28, sa Quezon City.
Ayon sa embahada, magsisimula ang march mula sa EDSA People Power Monument, kung saan inaasahang dadalo ang humigit-kumulang 10,000 katao.
Dahil dito, inaasahan ang pagsisikip ng trapiko sa EDSA at White Plains Avenue, habang maglalagay rin ng malaking bilang ng mga pulis sa lugar upang tiyakin ang seguridad.
Pinayuhan ng U.S. Embassy ang mga mamamayan nito na iwasan ang mga political demonstration at maging maingat sa paligid ng malalaking pagtitipon dahil maaari umanong maging marahas ang sitwasyon nang walang babala.
Binigyang-diin din nito na ang mga dayuhang lalahok sa mga protesta ay maaaring lumabag sa kanilang immigration status.
Hinikayat din ng embahada ang publiko na sundin ang mga abiso ng lokal na awtoridad at bantayan ang mga update mula sa media at pamahalaan kaugnay ng trapiko at iba pang posibleng pangyayari dulot ng White Ribbon March.