Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestream
Hindi tinitingnan ang gender identity ng isang tao sa kanyang pagnanais na maging magulang sa pamamagitan ng legal adoption.
Ito ay batay sa Republic Act No. 11642, na kilala rin bilang Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act.
Sa programang “Warm Heart” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni National Authority for Child Care (NACC) Director III for Operations and Services Dir. Imelda Ronda na bukas para sa lahat ang proseso ng legal na pag-aampon.
Kaya naman, ani Dir. Ronda, maging ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community ay maaari ring mag-apply bilang adoptive parents.
Sa pamamagitan ng ganitong polisiya na inklusibo at walang halong diskriminasyon, ayon sa NACC official, ay mas napapalawak ang konsepto ng isang pamilya kahit nandiyan pa rin ang tradisyunal na paniniwala ukol dito.
Pagbibigay-diin pa ni Dir. Ronda, ang pamilya ay nakabatay sa pagmamahal, pananagutan, at legal na proteksyon sa Karapatan ng bawat batang Pilipino.