Ipinaalala ni financial analyst Jonathan Ravelas na minsan nang bumuti ang takbo ng piso, kung saan bumaba pa nga ito sa ₱60-level, nang umusad ang peace treaty sa pagitan ng Estados Unidos at Iran at bumalik sa halos pre-war level ang presyo ng langis sa $70 kada bariles.
Pero nagbago ang lahat nang maudlot ang peace talks at magbalikan ang mga pag-atake.
Sa programang Diskarteng Wais sa Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Ravelas na iyon ang pinakamalaking rason kung bakit bumalik ang piso sa ₱61 level at kung magpapatuloy ang kaguluhan, may posibilidad na humina pa ang piso.
Kaya nang tanungin kung posibleng lumagpas sa ₱62 ang halaga ng dolyar, hindi na siya nagpaligoy-ligoy at sinabing pwedeng mangyari ito lalo na ngayon dahil umuulit na naman ang mga bakbakan.
Sa huli, sinabi ni Ravelas na ang direksyon ng piso ay nakatali sa lawak ng susunod na mga pag-atake.
Ayon kay Ravelas, kapag tinamaan ulit ang mga refinery, kapag lumawak ang tensyon, at kapag tumaas ang takot sa merkado, bawat kilos sa Middle East ay may katumbas na sentimo sa palitan.
Lumakas ang dolyar matapos ang panibagong tensyon sa pagitan ng US at Iran, na ayon sa isang trader, kapag ganito ang sitwasyon, natural na mas-pipiliin ng mga investor ang dolyar dahil mas-ligtas ang pera nila dito.