Tatanggapin ng tatlong Pilipinong arsobispo ang pallium mula kay Pope Leo XIV sa Vatican sa pagdiriwang ng Kapistahan nina San Pedro at San Pablo ngayong June 29.
Kabilang sa mga tatanggap ng pallium sina Cebu Archbishop Alberto Uy, Cotabato Archbishop Charlie Inzon, at Nueva Segovia Archbishop David William Antonio. Pangungunahan ni Pope Leo XIV ang banal na misa sa St. Peter’s Basilica, kung saan pagpapalain at ipagkakaloob ang pallium sa mga bagong talagang metropolitan archbishops mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang pallium ay isang puting kasuotang yari sa lana na isinusuot sa balikat ng mga metropolitan archbishop. Sumisimbolo ito sa kanilang pastoral na responsibilidad, pagkakaisa sa Santo Papa, at pamumuno sa kanilang nasasakupan.
Bago ang seremonya, hiniling ni Archbishop Uy ang panalangin ng mga mananampalataya para sa kanilang ligtas na paglalakbay at sa pagiging tapat na mga pastol ng Simbahan.
Taun-taon, ang paggawad ng pallium ay isa sa pinakamahalagang seremonya sa Vatican para sa mga bagong metropolitan archbishop bilang tanda ng kanilang misyon at pakikiisa sa pamumuno ng Simbahang Katolika.