Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) laban sa ilegal na recruitment na gumagamit ng tinatawag na “backdoor” routes matapos ma-repatriate ang 11 Pilipino mula sa Kota Kinabalu, Malaysia.
Ayon sa BI, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga repatriate noong June 16. Sa isinagawang panayam, lumabas na anim sa kanila ang umalis ng Pilipinas sa pamamagitan ng hindi awtorisadong ruta upang makapagtrabaho sa Malaysia. Kabilang sa kanilang naging hanapbuhay ang construction, mechanical, maritime-related, at entertainment jobs. Karamihan sa kanila ay nagsabing hindi sila nakatanggap ng anumang sahod habang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy na nililinlang ng mga illegal recruiter ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pangakong trabaho sa abroad kapalit ng paglabag sa tamang proseso ng pag-alis ng bansa.
Binigyang-diin ng BI na, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang mga overseas Filipino, mahalagang dumaan sa legal at dokumentadong proseso ang sinumang nagnanais magtrabaho sa ibang bansa upang maiwasan ang pang-aabuso, hindi pagbabayad ng sahod, at human trafficking.