Tinatayang mahigit 1,700 litro ng nakumpiskang diesel fuel ang ipinagkaloob ng Bureau of Customs (BOC) sa Philippine Coast Guard (PCG) District Bicol upang mapalakas ang kanilang maritime operations sa rehiyon.
Ayon sa BOC, ang 1,783 litro ng diesel ay mula sa nakumpiskang unmarked fuel at ipinagkaloob sa Coast Guard matapos aprubahan ng Department of Finance (DOF), alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act.
Sinabi ni BOC Legazpi District Collector Guillermo Pedro Francia IV na makatutulong ang donasyong ito sa pagpapatuloy ng maritime patrols, disaster response, at pagpapatupad ng batas laban sa smuggling, human trafficking, at iba pang ilegal na aktibidad sa karagatan.
Nagpasalamat naman ang PCG District Bicol at sinabing malaking tulong ang karagdagang suplay ng diesel upang mapanatili ang kanilang mga pagpapatrolya, inspeksyon, at agarang pagtugon sa mga insidente sa dagat.
Ayon sa BOC, bahagi ang donasyong ito ng pagpapalakas ng ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan at ng patuloy na kampanya ng administrasyon laban sa smuggling, habang pinaiigting ang seguridad sa mga hangganan at karagatan ng bansa.