Phot courtesy of Philippine National Police
Nahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang isang pulis na nakunan sa viral na video na umano’y nanutok ng baril sa isang sibilyan sa Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio Nartatez, Jr., iniutos niya ang agarang pagsisimula ng legal proceedings laban sa naturang pulis at mariing kinondena ang kanyang naging asal.
Nag-ugat ang kaso sa isang tindahan sa Barangay Antipolo, Dapitan City, kung saan makikita sa CCTV footage ang pagtutok niya ng baril sa isang sibilyan habang sila ay nagtatalo noong June 21.
Sa ngayon, inalis sa puwesto ang pulis na may ranggong corporal, isinailalim sa restrictive custody, at dinisarmahan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Naisumite na rin ang reklamong kriminal laban sa kanya sa Dapitan City Prosecutor’s Office.
Bukod dito, naglunsad din ng motu proprio investigation ang National Police Commission (NAPOLCOM).
Lumabas na nahaharap ang pulis sa iba pang kasong administratibo at kriminal, kabilang ang mga reklamong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act.