Inihayag ng mga tagapagsalita ng prosecution panel na kasama sa kanilang mga testigo ang isang psychiatrist bilang “reserved witness” para sa Article 4 ng impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.
Ayon kay legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., ang hakbang na ito ay upang matulungan ang korte na masuri kung gaano kaseryoso ang mga naging pahayag o banta ng Bise Presidente at upang patunayan na ang mga ito ay hindi binitawan bilang biro lamang.
Ayon kay Tolosa, layon din ng prosekusyon na pabulaanan ang magiging depensa ng kampo ng Bise Presidente.
Ayon naman kay House trial spokesperson Zia Alonto-Adiong, maaaring isulong ng depensa na ang mga pahayag ay hindi totoong banta, kundi mga “figures of speech,” conditional remarks, o mga salitang nabitawan lamang dala ng silakbo ng damdamin.
Giit ni Adiong, isang non-partisan o walang kinakampihang eksperto ang kailangan upang maging malinaw sa korte at sa publiko ang tunay na konteksto ng mga pagbabanta.
Binigyang-diin ng House prosecution na ang pagpili sa isang psychiatrist ay hindi upang haluan ng politika ang paglilitis, kundi upang magbigay ng malinaw, siyentipiko, at patas na evaluation sa impeachment court.