May sapat na kapangyarihan ang Senate Impeachment Court na piliting humarap ang mga “hostile witnesses” at patawan ng parusang contempt ang sinumang hindi susunod sa proseso ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., ang kapangyarihan ng korte na magpalabas ng subpoena ay may kaakibat na awtoridad upang tiyakin na susunod ang mga ipinatatawag nito.
Tiniyak naman ni Tolosa na kahit may mga testigong hindi sumipot o tumangging magsalita, may sapat na iba pang hawak na ebidensya ang prosekusyon upang patunayan ang mga nakapaloob sa Articles of Impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Samantala, sinabi naman ni Lanao del Sur Representative at House trial spokesperson Zia Alonto-Adiong na handa ang House Prosecution Team sa anumang kaganapan, kabilang na ang posibleng hindi pagsipot ng ilang testigo.