Umabot na sa ika-174 na araw ang pananatili ng Bulkang Mayon sa Alert Level 3 ngayong araw, Hunyo 28, habang patuloy na naitatala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mataas na aktibidad ng bulkan.
Sa pinakahuling 24-hour monitoring, naobserbahan ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng lava sa mga bangin ng Basud (3.8 kilometro), Bonga (3.2 kilometro), at Mi-isi (1.8 kilometro), kasabay ng apat na volcanic earthquakes, dalawang volcanic tremors, at 225 rockfall events.
Ayon sa PHIVOLCS Quick Response Team, nakuhanan ng mga thermal camera ang tuloy-tuloy na lava effusion sa bunganga ng Mayon sa isinagawang pagmamanman noong gabi ng Hunyo 26 hanggang madaling araw ng Hunyo 27.
Patuloy ring naglalabas ang bulkan ng maliwanag na lava, mga gumuguhong bato, at mapanganib na pyroclastic density currents o “uson,” na indikasyon ng nagpapatuloy na effusive eruption.
Dahil dito, muling iginiit ng PHIVOLCS na nananatili ang Alert Level 3, na nangangahulugang mataas pa rin ang antas ng volcanic unrest at may posibilidad ng mas mapanganib na pagsabog.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng biglaang pagsabog, pagguho ng bato, lava flow, at iba pang volcanic hazards. Pinapayuhan din ang mga residente at lokal na pamahalaan na manatiling mapagmatyag at sumunod sa lahat ng abiso at kautusan ng mga awtoridad para sa kanilang kaligtasan.