Muli na namang nagpositibo sa toxic red tide ang Irong-Irong Bay sa Samar.
Sa ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), lumampas sa itinakdang regulatory limit ang antas ng paralytic shellfish poison sa nasabing karagatan.
Kasama rin sa mga nananatiling positibo sa red tide ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Tantanang Bay sa Zamboanga Sibugay, Matarinao Bay sa Eastern Samar, at ang coastal waters ng Biliran Island.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ng BFAR ang pag-aani, pagbebenta, pagbili, at pagkain ng lahat ng uri ng shellfish at alamang mula sa mga apektadong lugar.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na ligtas pa ring kainin ang mga isda, pusit, hipon, at alimango mula sa mga naturang katubigan, basta’t sariwa, nahugasan nang mabuti, at tinanggalan ng hasang at bituka bago lutuin.
Samantala, idineklara na ng BFAR na ligtas sa toxic red tide ang coastal waters ng Daram, Samar.