Bukod sa mga kasong kriminal, nahaharap na rin ngayon sa kasong administratibo ang pulis na nag-viral matapos manutok ng baril sa isang sibilyan sa Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Ayon kay NAPOLCOM Chief Commissioner Rafael Calinisan, inatasan na niya ang kanilang Regional Office na ihanda ang paghahain ng kasong grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer laban kay PCpl. Henry Boquida Jr.
Sa pagharap ng pulis sa tanggapan ng NAPOLCOM ngayong araw, inamin nitong nakainom siya nang mangyari ang insidente at labis niya itong pinagsisisihan.
Pinayuhan din niya ang kaniyang mga kapwa pulis na idaan sa dasal at hindi sa alak ang ano mang problemang kinakaharap.
Sibak na sa pwesto ang naturang pulis at kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Provincial Office habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Samantala, binigyang-diin ni Comm. Calinisan na isang malaking responsibilidad lalo sa mga pulis ang paghawak at paggamit ng baril.
Hinimok din niya ang publiko na ireport sa NAPOLCOM ang anumang pang-aabuso ng mga pulis kahit walang viral na video, para agad itong maaksyunan.