Ang Senate Impeachment Court at hindi ang prosekusyon ang magdedesisyon kung dapat bang humarap bilang testigo ang dating Court sheriff na sinuntok ni VP Sara Duterte, matapos itong pormal na humiling na alisin siya sa listahan ng mga testigo.
Ito ang nilinaw ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong matapos umapela si dating Davao City Court Sheriff Abe Andres na huwag nang isali sa tinawag nitong “partisan political matters.”
Isinama ng panel si Andres bilang testigo para sa Article IV ng impeachment complaint.
Paglilinaw naman ni House Prosecutor Manila Representative Joel Chua, hindi layon ng prosekusyon na muling litisin ang insidente noong 2011, kundi patunayan lamang ang sinasabing pattern ng marahas na pag-uugali ng Bise Presidente.
Paliwanag ni Adiong, sumunod lamang ang prosekusyon sa utos ng impeachment court na magsumite ng listahan ng mga potensyal na ebidensya at testigo.
Samantala, tinutulan din ng mambabatas ang aniya’y pagbansag sa impeachment bilang pamumulitika lamang.
Binigyang-diin niya na ang Senado ay gumaganap lamang sa kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon para sa pananagutan sa bayan.