Photo courtesy of Arnel Corpuz
Sa kabila nang pagpatok o pagtangkilik ng Wagyu Beef sa bansa kahit pa mataas ang presyo nito sa merkado at kakulangan ng supply dahil sa paraang pangangalaga nito, maaari na ring makapagbigay ng katulad na karne sa bansa.
Ayon kay Arnel Corpuz, isang awarded-winning cattle practitioner at may-ari ng Great Arch Farm sa South Cotabato, tanging sa social media lamang inaalok ang Wagyu Beef at agad na itong nauubos dahil marami ang nais makatikim nito at halos walang supply ito.
Tinatayang aabot sa halagang ₱1,500 hanggang ₱3,000 kada kilo ang bentahan ng Wagyu meat sa lokal na merkado.
Dagdag pa ni Corpuz, bagama’t maselan ang Wagyu production sa high land areas sa Bukidnon, nakikita nito ang potensyal na paglakas ng Wagyu Beef industry sa bansa dahil mayroon nang mga nagtagumpay sa pag-aalaga nito sa lowland katulad ng Piddig, Ilocos Norte; Abra at South Cotabato sa tulong ng crossbreeding, tamang pangangalaga at pagpapakain ang susi upang mas makapagpadami pa, hindi lamang sa Wagyu kung hindi sa lahat ng uri ng baka.
“Maselan sila sa weather kaya need maayos na infrastructure, di pwede i-pastol lang. Above need ng maayos na pag-intindi sa feeding management. Also, matagal ng may Wagyu Production sa high lands ng Bukidnon dahil originally need talaga ng Wagyu ng malamig na environment. Yong low land Wagyu Farming ang pinauso natin kung saan sinanay natin ang Wagyu sa humid condition with proper management, feeding at cross breeding,” saad pa ni Corpuz.
Dagdag pa ni Corpuz, hindi full-time job ang cattle farming dahil umaabot lamang ng isa hanggang dalawang oras ang pag-aalaga ng 20 baka habang ibang lahi ng baka para sa gatas at Wagyu beef.
Binigyang-diin pa ni Corpuz, nasa taba ng mismong laman ng karne kayang matukoy kung Wagyu Beef ito o hindi.
Sa kasalukuyan, tinatayang umaabot na sa 5,000 ang populasyon ng Wagyu sa bansa.