Binalaan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhang lumalabag sa batas na posibleng ma-deport, ma-blacklist, at harapin ang iba pang aksyon ng pamahalaan.
Ito ang pahayag ni Bureau of Immigration Commissioner Joel Viado kasunod ng pagkakaaresto sa 10 foreign national sa Siargao Island.
Ayon kay Viado, bukas ang Pilipinas sa mga turista, investor, estudyante, at foreign resident na sumusunod sa batas, pero hindi papayagan ang mga aabuso sa pagtanggap ng bansa.
Bahagi ang operasyon sa pinalakas na immigration enforcement ng BI sa Siargao matapos ang pakikipagpulong ni Viado sa mga opisyal ng local government units.
Pinaiigting din ng BI ang koordinasyon sa mga LGU, law enforcement agencies, tourism stakeholders, business establishments, at mga komunidad para mas mapabilis ang pagtukoy at pag-uulat ng immigration violations.
Nilinaw ni Viado na batay sa paglabag sa batas ang mga operasyon ng BI at hindi sa nasyonalidad, lahi, o relihiyon ng isang dayuhan.