Inaasahang mapapalawak pa ang social security coverage ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Social Security System (SSS) at ng Filipino community group network na OFW Council of Leaders.
Ito ay sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan ng dalawang panig noong June 22 bilang bahagi ng hakbang ng SSS na madagdagan ang bilang ng mga miyembrong OFW sa Middle East.
Sa ilalim ng kasunduan, mahigit 100 Filipino group leaders sa Saudi Arabia ang tutulong sa paghikayat sa mga migrant worker na maging miyembro ng SSS at magkaroon ng proteksyon para sa kanilang sarili at kanilang pamilya.
Ayon sa SSS, maituturing na milestone ang naturang partnership dahil ang OFW Council of Leaders ang kauna-unahang Filipino community group network sa Middle East na pumasok sa pormal na ugnayan sa ahensya upang isulong ang mga programa at serbisyo nito.