Opisyal nang bubuksan sa publiko ngayong Martes, Hunyo 30, ang pinakabagong sangay ng National Museum of the Philippines (NMP)—ang NMP-Baler na matatagpuan sa Sitio Cabituculan, Barangay Reserva sa bayang ito.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na adhikaing mailapit sa mga komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa ang mayamang kultura at likas na pamana ng Pilipinas.
Inaasahang pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang seremonya, kasama ang paggupit ng ribon at paghahayag ng marker ng museo. Makakasama ng Pangulo ang mga kilalang opisyal ng pamahalaan, mga pinuno ng sining at kultura, at mga kinatawan mula sa diplomatikong komunidad.
Dumalo rin sa pagtitipon sina Tourism Secretary María Bernardita Angara-Mathay, Education Secretary Juan Edgardo Angara, Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., National Museum Chairperson Andoni Aboitiz, at National Historical Commission of the Philippines Chairperson Regalado Trota Jose Jr. Nakikiisa rin sa okasyon sina Spanish Ambassador Miguel Utray Delgado, Aurora Governor Isidro Pimentel Galban, Aurora Lone District Rep. Rommel Rico Angara, at Baler Mayor Rhett Ronan Angara.
Bukod sa inagurasyon, ipinagdiriwang din ngayon ang ika-24 na taon ng Philippine-Spanish Friendship Day, na nagpapakita ng matatag at makasaysayang ugnayan ng Pilipinas at Espanya.
Ang Tatlong Permanenteng Gallery ng Museo
Tampok sa bagong NMP-Baler ang tatlong malalaking gallery na nagpapakita ng kasaysayan, kalikasan, at sining ng lalawigan:
- Cruce de Caminos Gallery: Dito makikita ang eksibit na Encuentros Vivos (Living Encounters) na sumasalamin sa makasaysayang relasyon ng Pilipinas at Espanya.
- Sierra, Tierra, Costa Gallery: Nakatutok ito sa mayamang ekosistema ng Aurora, pati na rin sa mga katutubong kaalaman at lokal na tradisyon ng probinsya.
- Pagtatagpo/Encuentro Gallery: Dito naman ipinapakita ang mga obra ng mga tanyag na artistang Pilipino para ipagdiwang ang sining ng bansa.
Idinisenyo ang museo ng sikat na arkitektong si Ed Calma. Kinuha niya ang inspirasyon sa kultura ng Aurora at sa anyo ng Bulubundukin ng Sierra Madre, kung saan pinagsama ang modernong arkitektura at ang natural na ganda ng probinsya.
Bukod sa mga gallery, mayroon ding mga aktibidad para sa komunidad, tour, at ang pagbubukas ng Oron by Crumby Crust Café sa loob ng compound upang mas maging kasiya-siya ang pagbisita ng mga lokal at turista.
Libreng Pagbisita simula Hulyo 1
Magsisimula ang regular na operasyon ng NMP-Baler para sa publiko bukas, Hulyo 1. Bukas ito araw-araw mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, maliban na lamang kung may opisyal na holiday ang pamahalaan.
Walang bayad o libre ang pagpasok sa museo.
Inaasahang magiging bagong sentro ng turismo at edukasyon sa Aurora ang NMP-Baler, na magbibigay ng mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan, sining, at kalikasan ng rehiyon.